Isang daang beses. Isang libo. Isang milyon. Hindi ko na mabilang. Sa sobrang daming beses. Sa maraming ulit na pinilit kong subukan na hindi ka mahalin. At kung gano ko kadalas na sinubukan, ganun kadalas din akong natalo. At ganun kadalas din akong nasaktan. Wow. Ang dami na pala. Ngayon ko lang na-realize.
Kaya hindi ako nagtataka kung baket madaming nagwi-wish na sana may switch na lang ang puso. Yung tipong pag may isang tao na karapat-dapat mahalin, pipindutin mo lang yung “ON” ng puso mo tsaka ng puso nya. Tapos magmamahalan na kayo. Tapos pag ayaw mo na, o kaya pag sa tingin mo wala namang kahihinatnan yung pagsasama nyo, pipindutin mo na lang yung “OFF.” Tapos, tapos na. Sana ganun lang kadali. Eh di sana lahat ng tao masaya. Wala ng iiyak. Gaya ngayon.
Sana manhid na lang ako. Yung tipong walang pakialam. Gigising. Kakain. Maliligo. Papasok sa trabaho. Uuwi. Kakain. Manonood ng tv. Matutulog. Tapos gigising na naman kinabukasan. Yung tao na nabubuhay lang para sa sarili nya. Sana ganun na lang ako. Sana wala na lang din akong pakialam sa bawat himaymay ng mga pananalita at kilos mo. Sana hindi ko napapansin bawat anggulo ng pag-ikot ng mata mo. Kung gano mo kabilis o kabagal hinahawi yung buhok mo. Kung hanggang saan ba umaabot yung ngiti mo. Hanggang panga. Hanggang tenga. Kung gaano kataas o kababa yung pitch ng boses mo pag kausap kita.
Minsan nga, naiisip ko, masokista siguro ako. Siguro gustong gusto kong nasasaktan ako kaya ako nagsusumiksik sa yo. Siguro gustong gusto kong umiiyak kapag naalala ko na hindi nga pala kita pwedeng mahalin. O siguro sadyang tanga lang ako. Kasi wala akong kadala-dala. O kaya nagbubulag-bulagan. Nagbibingi-bingihan. Para lang maramdaman ko na hindi ka nawawala sa buhay ko gamit ang mga kakapiranggot na oras na inaagaw ko sa buhay mo.
Kung pwede lang. Kung kaya ko lang. Hindi ko patitibukin ang puso ko sayo. Pero wag kang mag-alala. Kinakaya ko pa naman e… Matapang ako. O nagtatapang-tapangan. Pinipilit paniwalain ang sarili na kaya kong makita at tanggapin na andito lang ako lagi sa background. Extra. Naghihintay tawagin ng direktor para dumaan-daan sa harap ng kamera ng buhay mo.
Tama na nga to. Kahit naman anong sabihin ko dito, wala namang mababago sa mga pangyayari. At kahit naman mabasa mo to, wala ka rin namang magagawa. Dahil kahit bali-baliktarin mo ang mundo ko at ang mundo mo, babalik pa rin sa dating pwesto ang lahat. At lilitaw pa din kung ano ang realidad ng buhay nating dalawa.
Sana lang paggising ko bukas, robot na ko. Makina. Battery-operated. May switch. At least walang masokistang robot. At higit sa lahat, walang tangang robot.
*Written by Myles Genove from here.
No comments:
Post a Comment